Mahal kong B.,

Kagabi nakinig ako ng isang podcast ng kilalang scientist na si Francis Collins. At medyo kakaiba ang kanyang adhikain na hindi naman magkaaway ang evolution at ang Christianity. Na posible nga na, ayon sa pag-aaral ng istruktura ng DNA, ay mapapatunayan na tayo, at ang lahat ng mga hayop, ay nanggaling sa iisang ninuno. Medyo nabigla ako, kasi narito ang isang seryosong kristiyano, na naniniwala kay Kristo at prinoproklama siya bilang tunay na tagapagligtas, at ipinapakita sakin na ang katotohanan, bilang pananampalataya at siyensiya, ay maaaring buo at iisa. At alam mo ba, sa sandaling iyon, para akong nagkaroon ng ginhawa, at nakapaghinga. Kasi alam mo naman ang ministry na aking ama, na apologetiks. Na marami talagang tama rito, pero isang linya rito ang matinding pagkalaban sa ebolusyon at sa kahit anong doktrina na magbibigay daan sa ilang bilyong taong gulang ng kalawakan, at ng daigdig. Pero minsan ko na ring pinagisipan na medyo malabo, at medyo pilit, ang doktrina na ang kalawakan, at ang buong linikha ay mga 20,000 taong gulang lamang. Mayroon pa ngang nagsasabi na baka mga 4,000 taon lang--at ang lahat ng nakikita natin na nagpapahalata ng masmatagal na panahon, katulad ng mga buto ng dinosaurs, o ang magandang pagkabagay ng hugis ng South Amerika at Aprika, o kahit ang layo ng mga bituin, na tila pa palayo ng palayo sa isa't isa, ito daw ay ginawa na "parang" matanda lamang, kunwari lang, na ito daw ay ginawa para subukan ang ating pananampalataya--kung sa maikling salita, ito ay panlilinlang. At iyon ay nakakalungkot.

Natuwa ako, at ninanamnam ko, kasi binanggit ni Collins ang pagaaral ni Augustine sa Genesis 1. At si Augustine na mismo ang nagbabala na kung maaari, huwag natin idiin ang literal na interpretasyon dito, huwag natin pilitin, kasi baka malagay tayo sa posisyon kung saan tayo ay mapapahiya, o mahihirapan sa harap ng mga panibagong matutuklasan. At alam mo ba, nung sinubukan ko ulit basahin ang Genesis 1 kanina, na may "kaluwagan" sa interpretasyon, na hindi tali sa tuluyang literal na interpretasyon, pero binigyan ng hangin at espasyo ang misteryo at metapor, ako din ay nakatanggap ng ginhawa. Parang lumawak ang pagtingin ko sa sanlibutan, at sa paglikha ng Diyos. At sa palagay ko, kung totoo ngang 13-bilyong taon ang kalawakan, ito ay mas nagbibigay ng kapangyarihan at kaluwalhatian sa Diyos, at nagpapaliit sa tao at sa kanyang buhay. At ang ating oras sa mundo ay napakaliit na bagay talaga! At ang Diyos ay hindi masukat ang kakayanan! At grabe, kung saan na pwedeng lumibot at lumakbay ang imahinayson, sa paglakbay sa mahiwagang nakaraan!

Ito ang mga bagay na pinagiisipan ko sa ngayon. :)

Posted by dearb on July 2, 2010 at 09:30 PM | Add a Comment

Dear B.,

Marami-rami ulit ang iniisip. Siguro pangunahin na lang dito yung kakulangan sa "bonding with God" nitong mga nakalipas na araw, at siguro nakalipas na linggo. Mayroon akong private na journal entry, ang pamagat ay, "God is not Boring", pero bakit kaya parang ginawa ko siyang ganun? Ano ang may pasimuno? Kaakibat nito, iniisip ko ulit ang problema tungkol sa Christian art o Christian aesthetics. At kung ano nga ba ang tamang perspektibo dito. Iniisip ko, bakit nga ba ganun, na natural talaga na tayo'y nadadala at nahahatak ng mga makukulay at mapang-akit na bagay, na totoo naman, mas kaya nating mag-aksaya ng ilang oras kapapanood ng teleserye, o pagsusurf sa Internet, kaysa manalangin na nakapikit (o kung hindi nakapikit, nakatulala sa mesa o pader), o magbasa ng Bibliya. At ang tanong, ito na ba ang pagitan, ito na ba ang separasyon ng dalawang panig? Na sa kabilang sulok, ang lahat ng nararanasan ng ating mga mata at katawan, at sa isa pang sulok, ang puro at dalisay na hindi makita--ang pagtanggi sa lahat ng nakikita.

Ito nga ba ang labanan? Iniisip ko, siguro hindi, sapagkat sa pagsasamba ginagamit natin ang lahat ng maaaring gamitin para iparamdam ang laman ng ating puso, at tayo mismo ay nadadala sa musika, at sa ating imahinayson, sa mga lugar na mahirap ilarawan. Iniisip ko to. Ngunit iniisip ko din na may panganib din naman ito, na makalimutan natin na ang atin pananampalataya ay naka-angkla sa hindi nakikita. At baka tayo'y tumiwala na sa ating emosyon, at sa ating mga senses... Ngunit ang kabaliktaran naman nito, yung tipong wala nang kakulay-kulay at kabuhay-buhay ang ating mga spiritwal na disiplina, na unti unti silang maging tuyo at nakaksawa, at pilit na pilit, at baka pa nga nakakasakal. At ang nakakatakot na isipin natin, kahit mali, na ang mga oras na kapiling ang Diyos ay nakakasawa--samantalang siya ang pinka-nakakapanabik, ang pinaka-nakakapangakit, pinaka-kanasa-nasa, ang lahat ng hinahabol ng ating puso at isipan. Naku, bakit ang ganitong tensyon?

Sa palagay ko, walang iisang sagot sa mga tanong na ito. Sa palagay ko, para itong relasyon talaga. Kahit ang relasyon nating dalawa. Na minsan gusto natin ang magkita tayo sa mall, pero kung yun na lang palagi ay tila sobrang nakakasawa na, mas gugustuhin natin ang tahimik na pag-tambay, sa mga puno at sa may hangin, kahit wala masyadong ginagawa o nakikita, pero muli, kung panay yun lang ay tayo'y maghahanap uli ng iba... Hmmm, sa tingin ko, may elemento na dapat "pilit" at "pinipilit" ang pagsasama sa isang relasyon, pero hindi dapat lahat ay "pilit" kundi lagyan ng creativity at malikhain na galaw at diskarte. Sa palagay ko, marami pa talaga akong kailangan matutunan. At kailangan ko pa lalong makilala ang ating Minamahal, kung ano talaga ang nais Niya.

Posted by dearb on June 28, 2010 at 07:57 PM | Add a Comment

Dear B.,

Ito biglang ginanahan ulit, dahil sa marami at iba't ibang bagay, na magsulat. Itong mga nakalipas na linggo naisip ko na para na akong nabo-"bobo", at malubhang kinakalawang na sa pagsusulat. Sa palagay ko medyo refreshing naman na break ang pag-isip sa mga praktikal na bagay, katulad na lang ng pera at real estate, at sa mga physical na bagay, katulad ng arnis at pag-gym. Pero namimiss ko na rin ang pagisip ng "malalim" at pagsulat (btw, naalala kong minsang pinagtatawanan ang ekspresyon na malalim na pagiisip, akala mo kung sino, pero ganun talaga, yung pagiisip na parang sumisisid ka talaga ng malalim sa dagat, at pinigil mo ang paghinga, at medyo pilit, pero gusto mo talaga sa malalim, ayaw mo pang umahon, yung tipong ganun siguro, o parang kapag nakatingin ako sa iyong mga mata, ayaw ko yung pahapyaw lang, yung bigla tayong iiwas, gusto ko yung pwede ako pumasok sa iyong tingin, sa loob ng iyong mga mata, kung saan masmadilim, at saan puwedeng umunat at magpahinga.)

Iniisip ko dear, dapat siguro matutuo ako magsulat araw-araw, at dapat magpursigi, kasi ito malamang ang masmabigat na biyaya ng Diyos sa akin. Na kung ang iba, para maging bihasa sa kanilang larangan, ay nageensayo ng mga walong oras kada araw, bakit hindi rin ako, hindi rin tayo? Pero kasabay nito, natututunan ko na ang mga ganitong talento ay para ding buntong-hininga, para ding bulaklak na madaling maglalaho at malalanta, at para sa Kristiyano iba ang ating pagtingin. Na mas importante kaysa sa kahit anong gawain or propesyon ang pagmamahal at relasyon. Katulad na lang ng relasyon natin, na madalas natatakot akong pinturahan ng mga malalakas at matitingkad na kulay, kahit alam kong posible naman yon. Alam kong itong pagmamahal ay parang fireworks, alam ko na matindi ang ating musika, pero sa ngayon ako'y natatakot na sindihan ng masyadong maaga.. Dahil alam ko ang paputok na sinindihan bago mag-bagong taon ay hindi pa ang tunay na selebrasyon. 

Mga iba't ibang ideya. Mga gumagala-gala lang. Natutuwa ako na hindi ka lang aking nobya kundi aking tunay na kaibigan. :-*

Posted by dearb on June 27, 2010 at 05:34 PM | 2 comments

Sa kasaysayan ng pilosopiya, madalas natin nakikita ang taong may ambisyon na makatuklas ng kaalamang unibersal. "Ito na! Lahat kayong nauna sakin ay nagkamali, nahanap ko na ang tunay na katotohanan!", isisigaw nitong taong maalam. Ngunit sa panig ng pilosopiya ng kalat at pambihira, tayo lamang ay matatawa. Dahil sa mga ganitong klaseng pangungusap umaangat ang kabanuan at kahinaan ng isang nilalang. Dahil ang katotohanan ay kailanman hindi napako sa unibersal na ideya, ang katotohanan ay hindi malinis at makintab katulad ng bato, kundi ito ay kalat na kumakalat, lagpas sa kayang abutin ng kahit kaninong isipan. Kung kaya ang pilosopo ay nananatiling pilosopo lamang, madalas may pagkukulang sa arte at musika, o sa kaalaman tungkol sa hayop at halaman, o kahit sa simpleng pagmamahal at pagaalaga sa relasyon. Kinailangan niyang humanap ng unibersal dahil hindi niya kayang harapin ang partikular. Ang kanyang katotohanan ay isa lamang pagaamin na kinapos siya sa kaalaman. Ang aspeto ng pambihira ang siyang sumusupalpal at bumabara sa kanyang pangarap na maging huling sagot. Mabuti pa ang pilosopiya ng kalat at pambihira, hindi kayang pumanggap, dahil sa oras na ito ay bigyang pansin, bigla itong natutunaw at nakaklimutan ang sarili, at ang pilosopiya ay maiihip sa pantasya.

Posted by dearb on September 15, 2009 at 04:37 PM | Add a Comment

Ang pilosopiya ng kalat at pambihira ay matamis na bumubulong sa iyong tainga, na walang tunay na unibersal kundi partikular lamang, ang kakaiba, ang bukod-tangi, at kailanman walang nauulit sa eksaktong paraan. At kahit ito mismong katotohanan ay lilipad at muling babalik at hahalik sa pilosopiya ng kalat at pambihira, at sasabihing, ika'y hindi teoriya kundi pantasya, isang pantasyang kay ganda! Isang pantasyang mamahalin ko dahil ikaw ay ikaw, at wala ng iba. Pansinin mo, na ang buong mundo ay ngayo'y sumasayaw at ang kaya lang natin gawin ay siya'y patigilin, at pagalitan, dahil hindi ito tumitigal para sa mga walang lambot ng katawan, o walang kilig sa tiyan. Ngunit ikaw din ay dapat sumayaw! Sumayaw ng ano? Isayaw mo ang ikaw, yung hindi kayang gayahin, dahil ano nga ba ang puwedeng gayahin? Malalaman mo din, na ang mga salita ay balewala sa ganitong galaw. At kapag malaman mo rin, na ang milyun-milyong bagay ay may kanyang sayaw, at walang kaparehas, sana'y manliit ka, at sana'y ikaw ay tumingala. Dahil sa kalagitnaan ng umaapaw na kalat ay ang masmalalim na pambihira.

Posted by dearb on September 13, 2009 at 06:12 PM | 1 comments
« Newer · »